Ibang Paaralan

 

MGA KAUGALIANG HINAHANAP KO SA ISANG TAO

ni Justine Grace Casanova, UCSD

Sa isang kaibigan, siya ay dapat tapat, mabait, maunawain at maalalahanin.  Ito ang hinahanap ko sa isang kaibigan.

Madaldal daw ako, malamang marami akong gustong sabihin.  Hindi ko naman kayang sabihin ang lahat ng gusto kong sabihin kahit kanino.  Sa taong kaibigan ko, dapat marunong siyang makinig sa mga kuwento ko at ganoon din ako sa kanya. Dapat marunong din siyang magtago ng mga sekreto ko pero kung may itinatago siya sa akin, mauunawaan ko naman siya; kaya nga lang gusto kong maging tapat din siya sa akin. Kung sa bagay, hindi naman lahat ng nangyayari sa buhay namin ay sasabihin sa isa’t-isa at ito’y mauunawaan namin.

Siyempre, ayaw ko namang maging isang “pasaway na kaibigan.”  Hindi kami magiging mabuting magkaibigan kung palagi lang kaming nag-aaway.  Sino naman ang naghahangad na magkaroon ng masama o di mabuting kaibigan?

Tulad ng lahat ng tao sa mundo, hindi ako perpekto; may mga ginagawa o nagawa akong hindi maganda at pinagsisisihan ko ang mga ito.  Dapat sa isang kaibigan, maunawain siya at hindi siya nagagalit nang madalas; sana pagpasensyahan niya na lang ako kung sakaling nagkamali ako kasi hindi ko naman ito sinasadya.  Sisikapin kong maging mabuting kaibigan, pero hindi ko kayang maging perpekto sa lahat ng panahon.

At isa pa, sobrang maramdamin ako. Natutuwa ako kung naaalala ng kaibigan ko ang mga petsang mahahalaga sa akin.  Halimbawa, kung naalala niya ang kaarawan ko, masayang-masaya na ako.  ‘Yun lang ang hinahanap ko dahil mababaw lang naman ang kaligayahan ko!

Mabait naman ako (di ba?) at kahit sino ay puwedeng maging kaibigan ko, pero ang mga katangiang nabanggit ko ang siyang hinahanap ko sa isang kaibigan.


MGA KAUGALIANG HINAHANAP KO SA ISANG TAO

ni Jacinta D. Catipon, UCSD

Ang mga katangiang gusto ko sa isang tao ay maisasalarawan sa aking nobyo. Ang pangalan niya ay Bryan at marami siyang katangiang kahanga-hanga. Malimit niya akong padalhan ng maikling mensahe sa aking cellphone para batiin ng `magandang umaga’ at kumustahin ang pasok ko sa trabaho ko o kaya sa eskuwela. Tuwing gabi naman, tinatawagan niya muna ako bago siya  matulog para alamin kung naghapunan na ako at para magsabi naman ng `magandang gabi.’ Dahil hindi man kami madalas magkita araw-araw, kasi pareho kaming abala sa aming trabaho at pag-aaral, ipinararamdam niya sa akin ang kanyang pag-aalala at pagmamahal. Ito ang pinakamatimbang na ugaling hinahangaan ko sa kanya.

Isa pa ay ang kanyang pagiging maunawain. Madalas kong iniuurong ang aming planong lakad para sa ibang araw. Kadalasan ang dahilan ay gusto kong mag-aral o kaya naman dahil sa biglaang pag-aanyaya ng  kaibigan o ng aking mga kapatid. Bagamat naiisantabi ko ang kanyang mga plano, ipinaliliwanag ko naman ito sa kanya at madalas namang naiintindihan niya ako.

Hindi siya maramot kundi mapagbigay siya sa mga nangangailangan at lalo na sa aking maliliit na mga pamangkin. Gusto niyang basahan sila ng mga libro at makipaglaro sa kanila. Masarap siyang kasama at kakuwentuhan, pero madalas ay tahimik siya sa mga taong hindi niya masyadong kakilala. Marunong siyang makibagay sa mga taong pinakikisamahan niya at malimit ay hindi siya mapagmalaki sa mga ito.

Ilan ito sa mga katangiang gusto ko kay Bryan. Hindi man siya perpekto ngunit ipinakikita niya sa lahat ang kanyang pagiging mabuting tao, pagmamahal sa kapwa at pagmamalasakit sa nakakarami.


MGA KAUGALIANG HINAHANAP KO SA ISANG TAO

ni Michael P. Escaro, UCSD

       Ang mga katangiang hinahanap ko sa isang tao ay depende kung isa siyang matalik na kaibigan o babaeng napupusuan ko.

Sa taong itinuturing kong kaibigan, siya ay dapat tapat nang lubusan sa lahat ng ginagawa at sinasabi niya. Tutulong siya kapag kailangan ko at may tiwala siya sa akin dahil ganoon din ang gagawin ko para sa kanya. Ang mga hinahanap kong katangian sa isang kaibigan ay gusto ko ring makita sa mga iba’t ibang tao kahit saanman sa mundo. Kahit hindi ko siya kilala, dapat mabait siya at handang tumulong sa kapwa niya. Halimbawa, nawawala ka sa isang lugar na hindi mo masyadong alam. Ang isang mabait na tao ay lalapit sa iyo at magbibigay ng tamang direksyon upang makarating ka sa dapat mong puntahan. Ang magandang katangian na gusto ko sa isang tao ay madali siyang kausapin. Matutuwa ka kapag kausap mo ang taong ganito. Isa pang katangiang gusto ko sa isang tao ay diretso o pranka sa kanyang pagsasalita at paggawa; wala siyang itinatagong masamang motibo. Ang mga iba’t ibang katangiang ito ang gusto ko sa isang tao - kaibigan man o hindi.

Ang gusto kong katangian sa babaeng napupusuan ko ay hindi naman mahirap intindihin. Dapat mabait siya, masayang kausap at siyempre maganda. Kapag sinabi kong maganda, hindi lang sa pagmumukha kundi maganda ang pagkatao niya. Sa unang tingin pa lang, alam mong hindi niya kayang gumawa nang masama. Ang magandang halimbawa nito ay palagay ko ‘yung bida sa teleseryeng “Tayong Dalawa” na si Kim Chiu – maganda, mabait, at simple lang. Gusto ko sa isang babae ay palaging masaya sa bawat minutong magkasama kami; na hindi mo iniisip na mawawala siya kahit sa isang saglit. Importante rin sa akin ang pagkatao ng babae. Maganda kapag wala siyang masamang bisyo, hindi siya umiinom ng alak, hindi naninigarilyo; talagang mabait, maganda, at simple lang ang gusto kong mga katangian sa isang babae. Sana naman, balang araw matagpuan ko ang babaeng ito at mabigyan ako ng kahit na maikling panahon at pagkakataon para malapitan at makilala ko siya.

Kung ang taong itinuturing ko ay bilang isang kaibigan lang o ang babaeng gusto ko, may iba’t ibang katangian na akong hinahanap. Pero maliban sa iba pang ugali, gusto ko sa isang taong masayhin at mabait.


MGA KAUGALIANG HINAHANAP KO SA ISANG TAO

ni Vanna Andrea L. Ordoñez, UCSD

   Kapag ako'y nakikipagkaibigan, tinitingnan ko muna ang kabutihan ng isang tao. Ang taong marunong ngumiti at marunong magpasalamat ay mahalaga sa pagpili ko ng isang kaibigan. Dahil mahilig akong kumain at mamasyal, kailangan ko ng kaibigang hindi umaayaw sa pagkain at hindi parating nakakulong sa bahay. Gusto ko ang mga taong masisipag at matatalino. Ang mga taong matalino o bibo ay marunong makitungo. Mahirap maging kaibigan ang mga taong walang pangarap, ‘yun bang tamad at madamot.  Ang taong walang pangarap sa buhay ay walang mararating at hindi rin aasenso ang kinabukasan. Ang katangiang hinahanap ko sa isang tao ay mapagmahal, matulungin, maawain at marunong sa buhay. Gustung-gusto ko rin ‘yung taong marunong magpasaya sa kapwa niya at mahilg magpatawa.

Kapag ako naman ay naghahanap ng isang lalaki, ang unang tinitingnan ko ay ang paggalang niya sa isang babae. Mahalaga sa akin ang hitsura pero mas mahalaga lalo na ang kabutihan at kakayahan ng isang lalaki. Kailangan marunong siyang maglinis, magluto at magtrabaho. Ang hinahanap ko pa sa isang lalaki ay ‘yung marunong manligaw. Mahalaga para sa akin ang isang taong makakasundo ng pamilya ko. Kapag hindi siya magugustuhan ng nanay at tatay ko, hindi rin siya papasa sa akin. Ang mahalagang katangian pang hinahanap ko sa isang lalaki ay ang marunong magsikap at magmahal. Ang panlabas na kaanyuhan ay mawawala rin pero ang panloob na pag-uugali ay mananatili magpakailan man.


MGA KAUGALIANG HINAHANAP KO SA ISANG TAO

ni Abraham B. Santos, UCSD

           Marami akong gustong katangian sa isang tao. Isa sa mga katangiang hinahanap ko ay mapagbigay. Kailangan lang niyang ibigay ang mga bagay na makakatulong sa pangangailangan ng ibang tao.  Hindi niya kailangang bilhin lahat ng hinihingi sa kanya. Ang taong ito ay binabahagian ang iba kapag siya ay may pagkain.  Gusto ko rin sa isang taong matulungin.  Tinutulungan niya ang mga taong may problema kahit na hindi niya ito kilala.  Dapat ding tulungan niya ang ibang tao sa mga gawain kahit na hindi siya hinihingan ng tulong.  Gusto ko rin sa isang taong nagmamalasakit sa kapwa. Minsan ay iintindihin niya muna ang pangangailangan ng ibang tao bago ang kanyang sarili.  Aalagaan niya ang isang taong may sakit. Bibisitahin niya at dadalhan niya ito ng prutas kung ang may sakit ay nasa ospital. Dapat din ay maunawain siya.  Naiintindihan niya ang pananaw ng ibang tao kahit na iba ito sa sarili niyang pananaw. Kailangan ding magalang ang taong ito.  Nirerespeto niya ang mga nakakatanda sa kanya. Hinahanap ko rin ang katangiang pagiging malinis.  Dapat marunong siyang maglinis at mag-ayos.  Aayusin niya ang mga gamit niya at lilinisin niya ang kanyang bahay.   Dapat  ay hindi siya makalat.


“PAGKAPAWI NG ULAP, LUMILITAW ANG LIWANAG”

ni Michiko C. Morita, UCSD

Ang pananaw ko tungkol sa salawikaing, “Pagkapawi ng ulap, lumilitaw ang liwanag,” ay meron palaging kasagutan ang mga paghihirap ng tao. May mga dinaranas tayong pagsubok paminsan-minsan at ang mga ito ang tinatawag na masaklap na yugto sa ating buhay ngunit ito’y malalampasin din natin.

Naalaala ko noong 2007 nang namatay nang biglaan ang aking pinsan. Maliban sa pinsan kong ito na pumanaw, wala pang namamatay sa aming pamilya, kaya ang pagkawala niya ay malaking dagok na dumating sa aming buhay. Itong malungkot na pangyayari ay masasabi kong masaklap at punung-puno ng pagdadalamhati. Ngunit pagkalipas ng ilang buwan, napagtanto naming magkabuklod pa rin ang aming pamilya at dapat ikapanatag ng loob namin dahil hindi na naghirap pa ang aming mahal na pinsan. Bukod dito, nag-iwan pa siya ng isang napakapoging anak na magdadala ng kanyang mga pangarap kahit wala na siya sa mundong ito. Nang aming napagtanto ito, nakita naming lahat ang liwanag sa masaklap na yugto ng aming buhay-pamilya.

Hindi lang sa pagpanaw ng ating mga mahal sa buhay na dumidilim ang ating daigdig, sapagkat araw-araw mayroon tayong mga bagong pagsubok na hinaharap. Katulad na lang ngayon na may krisis pang-ekonomiya at pangkabuhayan. Ito ay napakalaking pagsubok ngunit ang kailangan lang nating gawin ay magtiyaga at manampalataya sa Poong Maykapal.

Mayroon man tayong mga pagsubok sa buahy, tandaan lang lagi ang kasabihang, “Pagkapawi ng ulap, lumilitaw ang liwanag,” at tiyak na mabibigyan tayo ng lakas ng loob para makayanan ang mga mahihirap na yugto sa buhay natin.  


“PAGKAPAWI NG ULAP, LUMILITAW ANG LIWANAG”

ni Leslie Anne T. Punzalan, UCSD

        Bahagi na ng buhay ng tao ang paghihirap. Ang mga paghihirap na ito ay maaaring magmula sa suliranin ukol sa pamilya, pag-aaral, pera o relasyon sa ibang tao. Minsan ang mga suliraning ito ay madaling lutasin, ngunit mayroon din namang sitwasyon na butas na ng karayom ang dapat pagdaanan para lang maiwasto ang suliraning hinaharap.

Sa kulturang Pilipino, ang salawikaing, “Pagkapawi ng ulap, lumilitaw ang liwanag,” ay nauukol sa ganitong mga sitwasyon. Maaaring ihalintulad ang “ulap” sa mga suliraning dumarating sa buhay ng tao. Minsan ito ay dumarating sa  masamang tiyempo at nagtatagal. May mga pagkakataon namang ito ay panandalian lamang. Ang kagandahan naman nito ay sa bandang huli, ang suliranin ay nalulutas kahit gaano pa katindi ang unos na dumating. Ito naman ay maaaring ihalintulad sa “liwanag” na sinasabi sa salawikaing ito.  Ang isa pang kabutihan nito ay maaari itong magturo ng aral sa buhay. Ang mga aral na iyon ay maaaring magamit para sa sariling kapakanan o ituro sa ibang tao para magbigay ng paalaala o kaya tulong.

Ang mga suliranin ay dumaraan sa bawat tao. Kung minsan, ito ay nagdudulot ng malaking pangamba, ngunit may pagkakataon namang ito ay hindi dapat ikabahala. Ang mga ulap na iyon ay nag-iiwan lamang ng malaki o maliit na bakas sa buhay ng tao. Sa bandang huli, ang bawat isa ay may natututunan na maaaring kapaki-pakinabang sa darating pang mga araw.

UC San Diego